Malimit kong ginagawa ang mag-abang ng tala sa gabi
Nakahiligan ko rin silang pag-alayan
Ng malamyos na awitin mula sa aking paghimig.
Kahit na hindi nila ito naririnig.
Patuloy pa rin ako sa pangungulit.
Hanggang sa ako’y magsawa
At sawayin ang sarili sa pagbirit.
Nakikipag-unahan ako sa buwan sa pagpikit,
Sa madaling araw, dahil sa isip ko
Ay maaga pa naman ang magkumot ng mga talukap.
Nais ko kasi siyang samahan at sabayan sa pag-idlip,
Ngunit ako’y nakalimot na ang “Gabi” ay dinisenyo
Para sa kaniya upang humabi at magpinta ng katotohanan.
Katotohanan, na kailanman ang araw
Ay inukit para sa atin upang maging matatag
At maging matibay sa lahat ng mga pagsubok.
At ang “Gabi” ay hinabi para sa atin upang ipagpahinga
Ang ating puso at isipan sa lahat ng mga alalahanin at pagkabagabag.