Ilang taon din ang ginugol niya sa Middle East para sa kaniyang kapatid. Parehong magsasaka ang kaniyang ama’t ina kaya’t napilitang mangibang bayan.
Nakaempake na ang mga dadalhin kinabukasan. Hindi mapakali dahil sa kagustuhang makauwi at makapiling ang mga mahal sa buhay. Chineck ang pasaporte at tiket para iwas-hassle papuntang airport.
“Sa wakas makakauwi rin. Tatlong taon din akong nagtiis para lang maiahon sa kahirapan ang pamilya ko” sabi niya sa sarili.
Halos gabi-gabi niyang tinititigan ang larawan ng kaniyang pamilya bago matulog. Hindi man niya ginusto pero ginawa nyang umalis para sa kaniyang mga magulang at para na rin sa kanyang babaeng kapatid.
Tinitigan muli ang maliit na kuwartong inuupahan. Hindi na siya makapaghintay na makauwi sa Pinas.
“Neng, pauwi na ang kuya. Pakisabi kay inay na van na ang arkilahin papuntang airport. Kahit ako na kamo ang magbayad. Sakto nga pala ang bakasyon ko sa graduation mo. Makakapunta ako. May ipon ako para sa handaan. Proud ang kuya sa’yo dahil ang pangarap kong maging engineer eh ikaw ang tumupad. Miss na miss ko na kayo.” Chat niya sa babaeng kapatid.
Na-seen ng kapatid ang chat ng kuya. Hinintay nya ang sagot ng kapatid na babae ngunit hindi na sumagot. Nakatulog na lang sa kahihintay ng sagot.
Kinabukasan handa na ang lahat. Nagpaalam muna sa maliit na kuwartong inuupahan. Babalik din siya makalipas ang dalawang linggo. Chineck ang mga gamit. Pasaporte, pera, at tiket. Sumita na ng taxi para mas mabilis ang byahe.
Pagkadating sa airport. Nagcheck-in, naghintay na tawagin ang kasunod na flight. Mga trenta minutos na naghintay. Pakiramdam niya ay parang bata siyang iniwan sa kapitbahay at nasasabik na makauwi sa kanilang tahanan.
“Siyam na oras na lang at magkikita na kami. Sulit naman siguro ang pagod ko ng tatlong taon.” Nakangiti habang tinitingnan ulit ang kaisa-isang larawan ng pamilya niya.
Nag-landing na ang eroplano. Bilisang kinuha ang mga bagahe at bumaba. Nagcheck-out. Pagkalabas pa lang niya ng arrival ng airport ay bumungad agad sa kaniyang harapan ang mga magulang. Kasama ang kapatid na nagpapasuso ng sanggol.
Natigilan siya ng ilang segundo. Nabitawan ang kaisa-isang larawan ng kumpletong pamilya. Tinanong ang sarili kung nagkabunga nga ba ang pagod niya sa ibang bansa.