Minsang ang inakalang magiging sandigan
Ay siya pa lang magtutulak sa kadiliman,
Ang inakalang sila’y magiging kanlungan
Ay siya pa lang magbibigay dusa at kahirapan.
Ang lipunang itinuturing na ligtas at malaya
Ay may ikinukubling di kaaya-aya,
Mga karahasan at pang-aabuso ay patuloy na nakatihaya
Sa mismong lipunang di malaman kung kailan lalaya.
Hindi maipagkakaila ang lipunang mapanghusga
Ngunit ang sakit at pait na dulot sa magiging biktima,
Ay gaya ng peklat na ‘di mawala-wala
Ano man ang gawin ay nag-iwan na ng bakas at trawma.
Mundong puno ng pang-aabuso’t karahasan,
Mga kasalanang patuloy na ginagawa’t patuloy na nariyan,
Ito’y mga problemang hindi masulosyunan
O ano’t kay lupit nitong ating lipunang ginagalawan.
Ngunit kahit ano pa’y walang magawa,
Sapagkat ito’y pagsubok ng tadhana.
Mga karanasang di maalintana
Ay siyang kakalimutan upang muling magsimula.