Napakahapdi ang naramdaman ni Aurora nang sampalin siya ng kaniyang ina sa pisngi nito. Animo’y dugo ang kulay ng mapula-pula nitong kanang pisngi. Napangiwi siya sa kabiglaan sa ginawa ng kaniyang Ina sa kaniyang pag-uwi nang gabing-gabi na mula sa pistahang dinaluhan. Napahagulgol ang kanina lamang ay birhen pang dalagita. Tila alam na kaagad ng dalagita na may alam ang kaniyang ina sa nangyari sa kaniya sa pistahang dinaluhan…
Sa isang bayan ng Aklan ay may gwapang dalagita na nagngangalang Aurora. Ito ang kuwento niya:
“Nanay, ako po ang magbabantay ng ating ‘baraka’ mamayang gabi nang sa gayon ay makapagpahinga po kayo”, pag-aalok ng tulong ni Aurora sa ina.
“Salamat anak at napakamatulungin mo sa akin at sa ating negosyo.” sagot ng Ina.
“Walang anoman po Nay,” nakangiting tugon ng dalagita.
Ang tinutukoy na ‘baraka’ ni Aurora ay maliit na tindahan na ang mga paninda nila ay sitsirya, gatas, kape, bigas, at iba pang mauutang ng kanilang mga kapitbahay. Ito ang ikinabubuhay nilang mag-ina buhat ng mamatay ang kaniyang ama dahil sa karamdaman nito at bunga na rin ng katandaan. Masipag si Aurora. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ina. Dahil nga nag-iisang anak lamang si Aurora ay ipinagmamalaki siya ng kaniyang ina sa mga kapitbahay nito dahil sa katalinuhan nitong taglay at palagiang may medalyang isinasabit ang kaniyang ina sa tuwing sasapit ang buwan ng Marso. Malaki rin ang paggalang ni Aurora sa kaniyang ina at madalas ay sinusuklayan niya ito sa tuwing nakahiga sila para matulog na. Sabay silang kakain at nagkukuwentuhan kapag naglalaba, naglilinis ng bahay at kahit bago matulog ay naghahagikhikan pa sa mga nakatutuwang karanasan ng mga namimili sa kanilang baraka at gayon din ang mga paroo’t parine na mga nagagandahan kay Aurora. Naaalala nila ang nadulas na negosyanteng ahente ng tabakong kulay pula na ano’t nadulas sa kakatingin kay Aurora habang dala-dala nito ang kahon-kahong mga tabako upang ideliber sa kanilang baraka, ganoon din ang lalaking ubod ng taba na nasa trenta anyos na’ na nagpapanggap na binata pa daw siya at pinapakyaw ang mga biskwit na paninda nila Aurora upang magpasikat na marami siyang pera at sa kabusugan nito habang nakikipag-usap sa ina ni Aurora ay nabilaukan. Iilan lamang ito sa mga manliligaw ni Aurora sa kanilang lugar. Pero may itinatangi siya. Isang dayo sa kanilang lugar. Isang binata na nagmula sa Maynila. Ang istorya ay ipinatapon daw ang binata ng kaniyang mga magulang sa Aklan upang tumino sapagkat nalulong ito sa droga, sa sugal at barkada. Ang binata ay may katamtamang taas, gigolo, may sinasabi ang pamilya, “pabling” kung tawagin ng mga kabataan sa kanilang lugar, “mambobola” naman kung bansagan ng mga matatanda. Kinilala siya na si Jeff. Isang anak ng mayamang negosyante sa Maynila na ang apelyido ay Tan. Lahing Intsik. Sunod sa layaw si Jeff kaya may sarili siyang motorsiklo at hagibis kung magpatakbo. Dito umikot ang kaniyang mundo. Ang mundo ni Aurora sa puso ng Intsik na binatang humahagibis sa kaniya.
Ito ang mga naaalala niya sa panahong nasa lalawigan pa siya ng Aklan. Huminto si Aurora. Napahinto siya pagtapak niya sa paliparan ng Aklan. Iniisip niya kung tama ba na umuwi pa siya?
Madilim na ang gabi.
Lulan siya ng panghimpapawid na sasakyan mula sa Europa. Estetsayd ang suot ni Aurora. May sumundo sa kaniyang magarang kotse na kulay pula paglabas niya sa paliparan. Sinalubong siya ng isang dalagitang maganda.
“Mommy!” sigaw na yumapos ang dalagita sa kaniya. Naiiyak ang matandang kasama ng dalagitang yumapos kay Aurora. Nakatitig lamang si Aurora sa anak niya…ang anak nila ni Jeff, ng pabling, ng hagibis, ng mambobola na inibig niya-minahal ng labis subalit pinili niyang iwan ito sapagkat mas mahal niya ang kaniyang ina sa mga panahong tumatangis ito. Halos nadurog rin ang puso ni Aurora sa mga panahong nagdesisyon siya na iluwal ang bata at mangibang bansa upang iwasan ang ama ni Aura…
“Mommy, marami ka po bang pasalubong sa akin?”, may pananabik na tanong ng dalagita.
“Oo, anak marami!” basag ang tinig ni Aurora habang hindi niya namamalayang tumutulo ang luha sa pisnging dati ay nagkulay dugo nang masampal siya ng ina dahil sa pagkabasag ng munting kristal na pinakaiingatan niya.
Niyakap ng ina si Aurora…tahimik na yumakap din si Aurora sa ina. Sumakay na sila sa pulang sasakyan na nabili niya bunga ng pagsusumikap sa Europa.
Malalim na ang gabi. Hindi makatulog si Aurora at ganoon din ang kaniyang ina.
Pinagmamasdan ni Aurora ang kaniyang anak na si Aura habang mahimbing itong natutulog yakap ang mga stuff toys na pasalubong nito.
Binasag ang kalaliman ng gabi ng matandang boses na unti-unting gumagaralgal ang tinig.
“Anak, patawarin mo ako sa aking kalupitan, sa hindi ko pagsang-ayon sa inyong kasal ng lalaking iyon na hindi ko matanggap habang ako ay nabubuhay! Hindi ko kaya anak, kahit hanggang ngayon ay hindi ko maaatim na siya ang iyong makakatuluyan….” paliwanag ng ina ni Aurora.
Paano nga ba naganap ang lahat? Paano natutong yumakap ang buwan sa araw? Nang mga sandaling hinihigpitan ng ina niya si Aurora ay natuto itong tumakas. Sa hampas ng mga alon ay narating ni Jeff ang bangkang lulutang-lutang sa dalampasigan ni Aurora. Iyon ang una at huling pagyakap ng buwan sa araw! Hindi na ito nasundan sapagkat nagngangalit ang tunog ng kidlat na tumama sa perlas na nakabaon sa kailaliman ng karagatan. Nagpumiglas, subalit nakatanikala ang mga puso sa kalawanging angkla nina Jeff at Aurora. Doon sa karagatan namatay ang pangarap na nais sanang iluwal…doon!
Kinse anyos siya nang maganap ang kaligayahang ito…kinse anyos rin ang kamatayan nito!
“Inay, tama na po! Huwag na po nating ibalik pa ang nakaraan. Matagal ko na po itong kinalimutan.” sagot niya sa kaniyang ina.
Tumalikod na si Aurora at bumalik sa kuwarto nila ni Aura. Naiwang mag-isa ang kaniyang ina na nag-aapuhap ng hanging ang dala ay kalungkutan.
Umaga, masayang nagising ang dalagitang si Aura. Nakabihis siya ng kulay rosas na bestida. Niyaya ang ina na si Aurora upang magsimba. Sumama naman si Aurora sa simbahan na minsan niyang pinangarap na maikasal. Maikasal kay Jeff. Iyan ang naiisip niya habang nakaluhod sila ng anak at nagmimisa ang pari.
“O Diyos ko, sana po ay makilala ko rin po ang aking ama!” panalangin ng dalagita.
Narinig ito ni Aurora. May kung anong bagay na kinabahan siya!
Dali-daling tumayo si Aurora hanggang sa pagbaling niya ng kaniyang mukha ay nakita niya ang nakatitig na si Jeff Tan. Nakasuot ng maong na kulay asul, nakasapatos ng itim na makintab, nakapolo ng puti at nakasuot ito ng ray-ban. Nakangiti ito sa kaniya. Ngiting handang tumanggap ng pag-ibig. Pag-ibig na ang sukli ay sakripisyo o kahit pighati!
“Mommy, nakikilala mo ba ang lalaking nakatitig sa atin?” tanong ng anak niya na si Aura.
“Hindi anak! Hindi!” pagsisinungaling niya.
Palihim na tinanaw rin ni Aurora ang dating lulong sa bisyo, ang dating lalaking inibig niya, at ang lalaking ama ng anak niya. Napansin ito ng kaniyang ina. Nagngangalit na naman ang kaniyang ina sapagkat sa tinagal-tagal ng panahon ay muli na namang nagpakita si Jeff. Nakakuyom ang mga kamao ng nanay ni Aurora. Tinitigan siya ng ina. Tumalikod papalayo si Aurora kasama ang anak.
Hinabol sila ni Jeff. Sumisigaw sa kawalan. “Aurora, Aurora… hintay!” sigaw ni Jeff habang hinahabol siya. Naabot ni Jeff si Aurora. Akmang yayakapin niya ito subalit humarang ang kaniyang ina. Humahagulgol si Aurora. Nagmamakaawa si Jeff sa ina na payagan silang magkausap. Naguluhan si Aura. Naiiyak na rin si Aura.
“Huwag mong hawakan ang anak ko, isa kang adik! Isa kang salot sa lipunan! Ayoko sa iyo magpahanggang ngayon.” sigaw ng ina ni Aurora. Lahat ng tao sa labas ng simbahan ay nakatingin sa kanila. Nakiki-usyuso. Litong-lito si Aura sa pangyayari kaya nagtatakbo siya hanggang sa hindi niya nakita ang isang paparating na dyip at sa pagtakbo niya ay mabuti na lamang at mabilis siyang nailigtas ni Jeff sa sasakyan. Nailigtas si Aura ni Jeff, ng kaniyang ama!
Subalit sa kasamaang palad ay si Jeff ang hindi nakaligtas sapagkat siya ang nahagip ng dyip. Nakita ito ng ina ni Aurora. Nakita niya ang duguang katawan ni Jeff. Humagulgol siya. Napakalakas ng hagulgol ng ina ni Aurora kay Jeff…
“Patawarin mo ako, Jeff! Salamat sa pagliligtas sa apo ko…sa anak mo!” sambit ng ina ni Aurora.
“Jeff, mahal ko!”, hiyaw ni Aurora.
“Daddy…” pabulong na sambit ni Aura.
“Anak, Aurora…patawarin niyo ako sa panghihimasok sa pagmamahalan niyong dalawa. Patawad anak ko!”
Ito ang tagpo. Tagpo pagkatapos ng kinse anyos na pangingibang bansa ni Aurora upang makalimutan si Jeff. Lalong bumaon ang angkla sa karagatan. Ang paligid ni Aurora ay binalot ng kadiliman. Ang paligid ni Jeff ay hindi lamang kadiliman kundi kamatayan! Ang paligid naman ng ina ni Aurora ay napuno ng kahihiyan at kapighatian! At ang natitirang kapayapaan ay nasa kay Aura, nagdarasal ang dalagita sa simbahan kung saan katabi niya ang pari… nakikinig sa kaniyang mga inuusal na panalangin… sa kaluwalhatian ng kaniyang ama, at sa pagmamahal ng kaniyang ina at kapatawaran sa kaniyang lola.
Kinse anyos. Kinse anyos na ang nakalilipas… nakapagpatawad na si Aurora sa kaniyang ina na ang tanging hangad ay mabuting buhay para sa anak.
Makikita sa pulang kotse ang bumababang dalagang-dalaga na’ na si Aura. Nakangiti. Maganda at maputi, intsik-intsikin ang mga mata. Nakasuot rosas na bestida. Maraming pasalubong na estetsayd sa kaniyang lola. Maraming dalang rosas na puti si Aura. Dumeretso sila ng kaniyang lola sa isang tagpuan.
Tagpuan ng dalawang puso.
Tagpuan na pinag-isa ng kinse anyos.
Mga puting rosas.