Sa yugto ng pagdadalaga,
Sabay ng pag-usbong ng nadarama.
Parang siya’y napaibig na yata?
Hindi niya alam kung ito’y tama nga ba.
Tulad ng ibang dalaga,
Siya’y naghahanap ng kapareha.
Sana’y matagpuan ang tamang binata
Upang hindi maranasan ang pagtangis ng sobra.
Siya’y nagkamali na nga,
Sapagkat ang inakala niyang ligaya ay sanhi ng pagpatak ng luha.
Pakiramdam niya’y tila itinali siya sa kadena
Kahit anong pagpupumiglas ay ‘di pa rin makawala.
Unti-unti niyang nakakaligtaan ang sugat ng nakaraan
Pinaniniwala ang sarili na walang tunay na pag-iibigan.
Ang lahat ay pawang pagkukunwari at kasinungalingan
Kaya sinimulang isinumpa na hindi na maging mangmang sa salitang pag-iibigan.
Ngunit dumating ang itinakda,
Parang mapapaibig na naman yata.
Ang dalagang sawi at napasumpa
Napaniwala din sa mahika.
Ito na naman si dalaga,
Nagpadala sa gayuma ng pag-ibig na dati niyang isinumpa.
Kung iyong titigan ang kaniya mga mata ay naroroon na ang munting saya
Tanging hiling niya kay Bathala sana ay siya na nga.
Kung maulit man ang nakaraan
Sana’y bawiin na lamang ang hiningang naninirahan,
Sapagkat hindi na niya kayang magdusa’t masaktan
Lalo pa’t ikaw lang ang nais na maging tahanan.
Sana ang iyong mga salita ay kasingtotoo ng pangako ni Bathala,
Hindi huwad at anong pagkukunwari sa kapwa.
Dahil ang tanging sambit ng kaniyang puso’t diwa,
Hindi siya maging maligaya kung maglalaho ka pa.
Buo na ang tiwala,
Sapagkat batid niyang lubos ang iyong ipinakita.
Ramdam at tagos sa puso ang pagmamahal ng isang binata,
Sino pa kaya ang hindi matutuwa?
Kung ating babalikan ang kwento ng nakaraan,
Isang dalagang nasawi at isinumpa ang salitang pagmamahalan.
Ngunit laging pakatandaan ang Diyos ay palaging may dahilan,
Puso’y huwag nang saktan upang maiwasan ang sugat ng nakaraan.