Anong petsa na?
Bakit tila bang dumidilim na naman ang araw?
Lumalabo na naman ang kapalaran ng pag-asa para sa ating bayan.
May pinaslang na naman kaya?
Pinatahimik, binulag, biningi, o di kaya’y dinaganan?
Sino na naman kaya ang bihag nila?
Araw-araw iba’t-iba aang biktima,
Nakakapagtaka, nakakalula, nakakagalit
Inuusal ang pagiging ganid.
Para saan pang tinawag na malaya?
Kung sa bawat pagbango’y may pangamba.
Marahil kasi sariling mamamayan, inaalipusta,
Araw-araw ako’y tinatanong;
“Napapagod ka rin bang lumaban?”
Palaging kasaguta’y “Oo,”
Ngunit ako’y ‘di titigil, igagapang ang tinig ng madla,
Mga mangagawa’t maralita,
Binabato ng mga salitang ‘di masikmura.
Sa pamamagitan ng pluma’t gusot kong papel,
Kalakip ang kalatas at saliw ng tintang naglalagala,
Makakatayo, at mailulunsad
Kinabukasang ating minimithi’y makakamtan,
Hindi ako titigil, hanggang sa kamatayan,
Bagama’t nasa kadiliman; bitbit ang talas ng kalasag,
Gaano man kalabo ang kapalaran,
Pilipinas! Mananatiling para sa Pilipino lamang!
Pag-asa’y mananatili… kailanman.