LAKANDIWA:
Magandang araw mga ginoo’t binibini,
mga tagapanood at mga tagasuri!
Ngayong umaga tayo’y magiging mga saksi
sa tagisan ng talino at pagde-debate.
Naritong mahuhusay na tagapagsalita
ay sadyang nagsaliksik, nagsanay, at naghanda.
Wikang Filipino ay talagang nagbabago,
sabay sa kasaysaya’t hamon sa Pilipino.
Kawalang-galang nga ba sa wikang kinagisnan
pagpapalit-bihis ng salita’t talastasan?
Mga ginoo’t binibini, makinig kayo
Tayo ay magsisimula sa panig ng OO.
OO:
Wikang Filipino’y bahagi ng kasaysayan
Ating mga bayani ito ay pinaglaban.
Sa gitna ng maraming dugo, pawis, at luha,
wikang Filipino’y nagsilbing aliw at sigla.
Mahabang panahon nga ang sati’y nakalipas
Filipino pa rin ang magbubuklod sa Pilipinas.
Igalang at idangal ito, s’yang nararapat
Ito’y may responsibilidad na kaakibat.
Basta-basta itong baguhin ay hindi dapat!
HINDI:
Kalma lang bes, nakukuha ko ang iyong punto
Wika ko ri’y Filipino, mahal kong totoo.
Palaging ginagamit sa bahay o eskwela
Sa pakikipag-usap man o sa social media.
Sa panonood ng K-Dramang tinatangkilik,
‘yong may salin sa Filipino’y nakasasabik.
Kaya’t ako’y walang nakikitang di-maganda
Pagbabago ng wika ay isa lamang tanda
Na Filipino’y buháy o dynamik, ika nga.
OO:
Aba! S’yang tunay! Wikang Filipino ay buháy
Sa puso at diwa ito ay nananalaytay.
Itutulad natin ang wika sa medisina:
Ang gamot ay iyong kailangan kapag may sakit ka
Ika’y gagaling kung gagamitin mo ng tama
Subukang abusuhin, ikaw ay masisira.
Gayundin sa ‘yong wika, gamitin mo ng wasto
Kapag binaboy mo ay tiyak magkakagulo
Likas nang mayaman, pagbabago’y di kailangan.
HINDI:
Sa wikang Filipino ako ay may respeto
Kung hindi, para kong kinahiya ang lahi ko.
Makinig dito sa halimbawa kong totoo:
Ang ating wika ay parang bigas na sinaing,
Kapag mainit pa ito’y masarap kainin;
Kapag hindi naubos, lalamig ang natira
Mapapanis sa nagbabagong temperatura
Kailangang isangag bago tuluyang masira.
Ang wika ay ang kaning dapat na makasabay
Sa pagbabago ng paligid at takbo ng buhay
Kundi ay mamamatay at makakalimutan.
Pagbabago’y ayos kung para sa kaunlaran.
OO:
Ngunit bakit kailangan pang sabayan ang uso
Ang wika nati’y sapat na, hindi ba katoto?
Sana’y kadalisayan ng wika’y manatili
Pinaglaban ni Quezon ay huwag nawang mabali.
Ang dapat na gawin wika ay palaganapin
Nakalilitong salita’y huwag mo nang gamitin
Wikang meron tayo ay s’ya na lamang linangin.
Kung nais mo’y kumportable sa pagsasalita,
Sa salitang balbal ay imulat ang ‘yong dila.
HINDI:
Ako man ay sang-ayon sa iyo, kaibigan
Ngunit pagbabago’y di natin maiiwasan.
Narito’t bibigyan kita ng isang patunay:
Sa’n dudulog ang nagtatalong mag-kapit bahay?
OO:
Aba! Aba! Dapat ay dalhin yan sa BARANGAY!
HINDI:
Anong tawag sa mga gamit na pamparikit?
OO:
Ako’y sigurado, di ba’t iyon ay KIKAY KIT?
HINDI:
Ano ang tawag ‘pag ang relo’y lagpas sa oras?
OO:
Hinahamon mo ako? Ano pa, eh di ADVANCED!
HINDI:
Tumpak! Ang mga sagot mo’y mga idinagdag
sa diksiyunaryo ng Oxford na talagang sikat.
Sila ay mga supling ng wikang Filipino
at nang di mabilang na impluwensya ng mundo.
LAKANDIWA:
Magaling! Mahusay! Mga batikang makata!
Totoong kami’y labis ninyong pinahahanga.
Ako’y nagpapasalamat sa panig ng OO
sa paalalang igalang, wikang Filipino.
Sa panig ng HINDI ay marami ring salamat
sa pinaunlad na wika kami ay namulat.
Mga manonood kayo na po ang magtimbang
Mabisang komunikasyon, isaalang-alang
Kung ang pagbabago sa wika ay yayakapin
Pagkakabuklod ng bansa ay pakaisipin.
Kaming tatlo ay narito sa inyong harapan
Humihingi po ng masigabong palakpakan.