“Mahal kita Ina”
Mga katagang namumutawi sa aking dila
Ngunit, kailanma’y hindi ko nasambit sa’yo, oh aking ina
Kailan pa kaya, kailan pa kaya mawawala itong hiya
Gusto ko mang sabihin
Gusto ko mang sambitin
Ngunit, hindi ko alam kung ano ang dapat kung gawin
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong bigyang-pansin
Oo, marahil sa iba’y ako’y isang alibugha
Isang batang wala pang masyadong nagawa
Ngunit, salamat ina
Salamat, sapagkat ako’y iyong napalakas at napalaya
Ina, hindi ko man masabing mahal kita
Ngunit alam ng Poong Ama
Kung gaaano ka sa’kin kahalaga
Tulad ka ng diyamanteng walang katulad na iba
Ina, ikaw ay tulad ng isang diyamante
Diyamanteng biyaya sa’kin ni Yahweh
Ina, ikaw ang dahilan kung bakit ako’y hindi nagsisisi
Na ipakita sa iba na ako’y parti ng LGBT
Ina, salamat sa iyo
Salamat, ako’y tinangggap mo ng buong-buo
Alipustahin man ako ng maraming tao, guluhin man ako ng magulong mundo
Pag-ibig mo sa’kin ay hindi nagbabago
Ina, iyong pakatandaan
Gumuho man ang sanlibutan
Kailanma’y hindi kita malilimutan
Ina, nakakintal ka sa aking puso’t isipan