Sa bawat pagpatak ng ulan,
Sumasabay ang daloy ng ating nakaraan,
Mga sandaling pinagmamasdan,
Ang iyong natatanging kagandahan.
Tatlong taon na ng huli kitang nasilayan,
Walang paramdam galing sa ‘yo ay nakayanan,
Mensahe mo saki’n nagdala ng kasiyahan,
Ikaw ang tinuring pahinga ko at tahanan.
Ayokong nakikita kang nasasaktan,
Kaya dahil dito natuto akong palayain ka ng ‘di mo namamalayan,
Mahiwagang imahinasyong kasama ka ay mahigpit akong sinasakal,
Nawalan ng kulay at tamis ang pangako ko na tayo ay magpapakasal.
Kinailangan kong mawala muna saglit,
Kasi ‘yun ang tanging paraan para hanapin mo ko sa mundo kong puno ng sakit,
Kinailangan kong hayaan kang piliin ang taong gusto mo,
Na kahit ikaw ang sinisigaw nitong puso.
Hindi ko mawaring,
Humantong tayo sa ganitong sitwasyon,
Na kinakailangan mong bumitaw
Dahil may ibang nakakuha ng iyong atensyon,
Ang ating pahina ay unti-unting sumasara,
At sa ating dalawa,
Ako lang ang kumakapit,
Wala akong magawa kundi samahan ka at ihatid.
Salamat sa mga panahon,
At pagkakataon na kailangan kita,
Salamat dahil kahit papaano,
Nagawa mong palawakin itong ngiti ko.
Di ko kayang tapusin ito,
Pero kailangan,
Gustuhin ko man na magpatuloy at maghintay,
kahit na walang kasiguraduhan, handa ko itong ilakbay.
Mahal, lagi mong tatandaan,
Na sa paglitaw ng buwan,
Ang pagmamahal ko sa ‘yo,
Ay tunay at hindi mawawala kailanman.
Sa huling talata,
Nitong aking tula,
Nais kong magpaalam sa isang binibini.
Na siyang nagturo sa akin na ipagmalaki ang sarili
Salamat sa mga alaala,
Dumating man ang araw na tayo’y hindi na magkita,
Dumating man ang araw na di na ako makakita dala ng pagtanda,
Alalahanin mong naghintay ako para sa ating dalawa.
Sana sa susunod na paggising ko,
Nandito ka na sa tabi ko,
Sana sa susunod na buhay,
Tayo naman!