“2loy b mya, tol?” text niya sa kumpare niyang taga city hall.
Pinaikot-ikot niya ang lumang cellphone sa kamay habang nakatulala sa labas ng bahay. Suot ang pulang polo shirt at kupas na pantalon na nabili ng misis niya sa ukay noong nakaraang pasko.
Dinig naman sa loob ng bahay ang palahaw ng sanggol na kagabi pa inaapoy ng lagnat.
“Ano? Tuloy ba kayo ng kumpare mo mamaya? Kung hindi ay humanap ka na lang ng ibang mapagdedelhensyahan,” tanong ng misis na kanina pa nagpapadede sa bata.
“Oo, limandaan din yun. Pangako niya. May kasama raw na pritong manok at Zest-O. Pagkakuha ko ng pera, ibibili ko agad ng gamot at bigas.”
“Pre, pumunta ka na. ‘Wag mo kalilimutang magsuot ng pula. Ang bayad eh pagkatapos ng rally sabi ni meyor.” Text ng kumpareng nasa city hall.
Agad na kinuha ang bag at hinalikan ang mag-ina. Binagtas ang maliit na eskinita papalabas sa kalsada. Tumawag ng tricycle sa TODA at nagmadaling sumakay.
Pagdating sa stadium, bumungad ang maraming supporters ni meyor. Mga naka-pula. Yung iba may dalang banners. Yung iba naman ay plakards. Pumila. Siksikan. Tulakan. Hindi na nasunod ang health protocol ng lugar. ‘Yung iba pa nga halos magkadikit na ang pisngi para lang makapasok na agad. Kinuha ang pangalan ng mga papasok. Pati ang purok at barangay kung saan sila nakatira.
“tol, dito na ako sa gate,” text niya sa kumpare niyang taga city hall. Hawak ang bag habang nakikipagbalyahan papasok ng stadium.
Mga ilang oras din siyang nakipagbuno sa mga taong gustong maambunan ng konting halaga at pamparaos ng kumakalam na sikmura. Nakuha ang pagkain na nasa styrofor, fried chicken at kanin, na may kasamang Zest-O. Inilagay agad sa dalang bag pampasalubong sa asawang nag-aalaga ng anak.
Tumingin sa orasan. Alas-onse. Katirikan ng araw. Good Morning towel lang ang saklob sa nag-iinit na bumbunan. Paminsan-minsan ay kumakalam ang sikmura pero tinitiis dahil ayaw kibuin ang pagkain na pamimigay sa proclamation rally.
Tumingin ulit sa orasan. Alas-dose. Tumindi ang sikat ng araw. Lalong nag-init ang bumbunan niyang sinasapinan ng dalang Good Morning towel.
“Anong oras ka uwi? Txtbak” text ng asawa.
“Wala pa si meyor. Baka gabihin ako. Nag-iwan ako ng isandaan jan sa sulong ng damitan ko. Bumili ka muna ng gatas at pagkain mo diyan.” Sagot niya sa asawa.
Binalik sa bulsa ang cellphone at kinapa ang suot na pantalon. Bente pesos. Pamasahe pauwi.
Lumipas ang ala-una, alas-dos, alas-tres. Wala pa ang meyor na magsasalita sa kanila. Muling dumukot sa bulsa. Tinext ang kumpare na taga city hall.
“tol, wala pa ba si meyor?”
Walang sagot na natanggap.
Saktong alas-kwatro, narinig na ang wangwang ng patrol na bitbit ni meyor. Nabalutan ng hiyawan ang stadium. Sinisigaw ang pangalan ng tatakbong meyor.
Nagsimula na ang programa. Mga babaeng nagsayawan para sa intermission number. Dalawang baklang stand-up comedian na pinasaya muna ang mga manonood bago sumalang si meyor sa entablado.
Alas-singko na. Lalong kumalam ang sikmura nya dahil sa buong maghapon ay kape lang ang laman ng tiyan. Hinugot ang cellphone sa bulsa.
“Ano oras ka uwi? Di pa nakakainom ng gamot itong bata” text ng asawa.
“Patapos na. magsasalita na sina meyor” sagot niya. Binalik ang cellphone sa bulsa. Isang bar na lang ang natirang baterya.
Isang malakas na sigaw ng host ang binato sa mga supporters. Pinakilala si meyor at sampu ng kanyang mga konsehales.
May mga konsehal na nag-intermission numbers. May kumanta kahit boses palaka. Sumayaw na parang sinilihan ang puwet. Di nagtagal, nagsalita na ang miyembro ng mga partido upang ibigay ang plataporma.
Huling nagsalita si meyor. Binigay ang plataporma na nakasentro sa pagkakaisa. Pagkakaisa. Walang ibang gagawin kundi pagkaisahin ang kanyang nasasakupan. Hindi magkamayaw ang mga supporters sa pinangako ni meyor na pagkakaisa. Baliw na baliw. Ulol na ulol.
Natapos na ang programa. Pangalan pa rin ni meyor ang sigaw ng mga dumalo. Tinext niya ang kumpareng taga city hall. Tinatanong kung saan makukuha ang limandaan na pinangako. Hindi sumagot. Isang bar na lang ang cellphone niya. Konti na lang mamamatay na ang baterya. Pumunta siya sa mga tauhan malapit sa gate. Tinanong kung saan makukuha ang limandaan. Wala daw silang alam na limandaan. Nalintikan na. Napasaltik siya ng wala sa oras.
Lumabas siya ng stadium para umuwi. Pilit na tinetext ang kumpare pero wala pa ring sagot. Binuksan ang dalang bag para tingnan ang dalang pagkain. Maasim na ang amoy ng kanin. Pawisan na ang pritong manok na kanina’y malutong pa.
“Ferdie, si Junior…” text ng asawa.
Tinipa ang keypad ng lumang cellphone pero bigla na lang ito namatay.