Mababanaag sa mukha n’ya ang pananabik na magbalik-trabaho.
Inihanda ang mga kagamitan sa panggugupit. Nilinisan ang buong shop. Nagdikit ng mga babala bago pumasok.
Hindi alintana kung magkano ang nagastos niya sa muling pagbubukas ng maliit niyang negosyong barberya. Pinayagan ulit silang mag-operate dahil under sila ng GCQ. Iniutang muna niya sa 5-6 ang muling pagbangon ng negosyo.
Kinabukasan, sa muling pagbukas ng bakal na gate ng barberya ay bumungad agad sa kaniya ang balita.
“Paumanhin po sa lahat. Muli pong ibinabalik ni meyor ang ating bayan sa ECQ sa kadahilanang muli na naman pong tumataas ang kaso ng COVID sa ating lugar. Maraming salamat po.”
Napaupo siya. Natigilan sa pahayag ng munisipyo. Naisip nya kung paano babayaran ang perang inutang nya sa 5-6.