Kalakip ang isang milyong bituin, isang milyong kwento rin ang aking pinapasan
Sa kabila ng pagningning nito’y may bangungot at pangambang napaparam,
Tahasang tinatago ang pait at sakit sa pamamagitan ng pagtawa,
Nagpapakatatag ngunit di naman kaya,
Nagmamarunong kahit wala namang dunong,
Nakikipagdebate gamit ang mali-maling saknong.
Sa bawat ningning na dala ko’y ‘di nila alam ang totoo,
Sa bawat tawa at birong pumipilantik sa aking bibig, mayroong sugat na di mahilum-hilum,
At sa bawat pagbagtas ng panibagong araw, dilim ang aking nakakasabayan
Paulit-ulit na ipinapaliwanag ngunit ako’y nagmimistulang mangmang,
Sa kadahilanang, wala namang gustong makinig sa aking dinaramdam,
Patawad sarili ko, sa ganitong bagay ko lamang naipapalabas,
Gamit ang mga katagang aking pinagtagpi-tagpi, at ‘di nagtutugmang mga bantas,
Wala, nagtatapang-tapangan ako sa paraang di ko naman pala kaya.