Ilang buwan akong masaya,
Ilang buwan akong malaya,
Walang takot na nadarama,
Ngunit, bakit bumalik ka pa?
Narito na naman ako sa aking silid,
Nagsusumiksik sa gilid,
Ninanais na maging manhid,
Sapagkat grabeng pighati ang hatid.
Akala ko, wala na kayo kaibigan,
Boses nyo naman ay aking napapakinggan,
Nais ko kayong iwaksi sa isipan,
Nang sa gayon kasiyahan ay aking mahagkan.
Nagsisisigaw, ngunit walang boses na lumalabas,
Kumakawala ngunit hindi makatakas,
Nananangis sapagkat wala ng lakas,
Nagdarasal na sana abutan pa ng bukas.
Inabutan na ng bukang-liwayway,
Ngayon pa lamang hihimlay,
Kailangan ipagpatuloy ang buhay,
Kahit alam kong sila’y nakabantay.