Anak,
Alam kong hindi na ako magtatagal. Matanda na rin naman ako at marami ng nararamdaman sa katawan. Gusto ko lamang sabihin sa sulat na ito, na kahit sa huling sandali ay mayroon akong maiiwan sa iyo bilang kaisa-isang anak ko.
Bago ang lahat, gusto ko lamang magpasalamat sa kasiyahan na binigay mo sa amin ng iyong ina. Bagamat nauna na ang iyong ina sa kabilang buhay, hindi naging madali na palakihin ka bilang isang mabuting tao. Salamat sa pag-aasikaso at pag-aalaga habang itinataguyod kang mag-isa. Bilang ganti ay pinapamana ko sayo ang mga sumusunod:
- 2 ektaryang palayan at 1 ektaryang niyugan sa linang pati na rin ang munting gilingan ng palay.
- Tatlong sasakyan: 1 BMW at 2 Ford.
- Ang maiiwan kong negosyo sa may patio (Ingatan mo at palaguin. Malakas ang negosyo natin dyan).
- Itikan sa kabilang bayan.
Lahat ng ito ay mapapasaiyo kung sakaling bawian na ako ng buhay. Wala akong ibang hangad kundi ang pag-unlad mo bilang isang tao.
Nagmamahal,
Tatay
Itinupi niya ang papel at inilagay sa isang kahon. Tiningnan ang anak na limang taong walang trabaho. Bukas kakayod ulit siya sa sakahan at manukan. Sa kamakalwa naman ay ipagmamaneho ang may-ari ng palayang sinasaka niya. Sa gabi, magtitinda naman siya ng balut.