Utoy,
Anak, pasensya ka na kung ang tatay ay hindi makakaabot sa una mong kaarawan.
Kung di ko man maabutan ang iyong paglaki, hiling ko lamang na sana ay maging mabuti ka sa iyong kapuwa dahil diyan nagsisimula ang kapayapaan na aking pinoprotektahan.
Pahiramin mo ng mga laruan ang mga kalaro mo upang ikaw ay pahiramin din nila.
Maglaro ka sa labas ng bahay habang ninanamnam mo ang init ng araw sa iyong balat. Hayaan mo ang iyong ina na punasan ang pawis upang hindi ka mapulmunya.
Kumain ka ng masusustansyang pagkain upang ikaw ay lumaki at sumigla. Huwag mo ring kakalimutan na matulog tuwing hapon para tumangkad ka katulad ni tatay.
Tulungan mo ang iyong ina sa gawaing bahay. Maging mabuting bata upang di ka mapagalitan.
Huwag kang magtatampo kung sa Family Day mo sa eskwelahan ay si Nanay mo lang ang pupunta. Kung sa bawat card giving at graduation ay siya ang iyong kasama.
Patawarin mo sana ako sa hindi ko pagdalo sa mahahalagang okasyon sa buhay mo. Hindi ko maipapangako na makakalabas ako sa digmaang ito.
Alalahanin mo sana na may isa kang ama na nagpoprotekta sa kinabukasan mo. Hindi ko man ikaw masilayan, bantay mo naman ako mula sa unang “uha” mo hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.
Hindi man kita naibili ng mamahaling regalo ngunit handog ko sa’yo ang isang mapayapang bukas.
Mahal kita, ‘nak.
Itay