Institute of Industry and Academic Research Incorporated
Register in

We support knowledge society through open access books.

Mark Angelo Firme Abadilla
Chapter 1
ISBN:

978-621-96514-8-6

“Ano kaya ang maswerteng numero mamayang gabi? Gusto ko hong tumaya sa lotto.” Kabadong tanong niya sa manghuhula.

Hinimas-himas ang bolang kristal. Umungol-ungol.

“Nakikita ko. 7-15-2-4-3-8,” sagot ng manghuhula.

Dali-daling isinulat sa papel ang mga numero. Iniabot ang isandaan at umalis.

Sa sobrang pagod sa construction, ay di niya namalayan na bente pesos na lang ang natitira sa wallet. Saktong pantaya sa lotto. Tumakbo siya sa pinakamalapit na outlet at pumila.

Mahigit isandaang milyong piso ang jackpot. Makakaahon na kami sa hirap. Hindi na kamote ang kakainin namin sa araw-araw. Bulong sa sarili. Nangarap siya habang pinapatay ang oras sa haba ng pila.

7-15-2-4-3-8 abot ng papel sa kahera kasama ang huling pera sa bulsa nya. Wala mang maiabot sa misis niya para sa pambili ng hapunan tiyak naman na panalo ang mahigit isaandaang milyong piso.

Pagkatapos ng mahabang lakarin, tanging papel ng lotto ang pasalubong sa pamilya. Wala pang hapunan. Gutom ang dalawang anak at ang asawa.

Anong dala mo? Gutom na ang mga bata. Wala pang gatas si bunso. Tanong ng asawa.

Hindi sinagot ang asawa. Bagkus, binuksan ang maliit na TV at inilipat sa channel kung saan bobolahin ang lotto.

14-25-36-8-17-32. Natulala siya. Kinuyumos ang papel na hawak. Tinitigan ang pamilyang hindi makakahawak ng mahigit isandaang milyong piso. Gutom.

Kinuha niya ang itak at lumabas ng bahay. Sinugod ang babaeng manghuhula. Saktong nagliligpit na ang babae ng kaniyang mga gamit.

Tang-ina ka. Sabi mo mananalo ako sa lotto. Isang wasiwas ng itak ang sinambot ng manghuhula. Biyak ang ulo. Tang-ina ka. Gutom ang pamilya ko dahil sa’yo.

Rumesponde ang mga pulis malapit sa pinangyarihan. Nahuli ang pumatay. Dinala sa presinto. Inembistigahan. Nakita niya ang kanyang case number: 7-152-43-8.

Cite this chapter:

Abadilla, M.A.F. (2024). Lotto. In: S.C. Masula & H.E. Tolete. Mga Piling Akdang Pampanitikan. Institute of Industry and Academic Research Incorporated. https://doi.org/10.53378/02.24.005

Other chapters

Scroll to Top